Saturday, September 22, 2012

ALAS, the Graphic Novel 1







Sunday, September 2, 2012

BALAGWIT



Madilim pa ngunit ang tunog na iyon ang pamilyar na gumigising sa amin.  Sigurado, ang tatay iyon pero tiyak puno na ang drum ng tubig na gagamitin namin sa araw araw.  Di pa uso noon ang lokal na patubig kasi malayo sa pinakakalsada at mahal pa ang pakabit. mangilan-ngilan lang ang may gripo noong maituturing.

Nakakatuwa, nakiki-tatay ako pero di ko naman tunay na ama o kadugo.  Isa lamang akong sampid na inampon nila ni inay, nagkataong kaibigan ko ang ate Ruby at ka batch ko naman si Girlie. Maliliit pa noon sina Noel, Perla at lalo na si Rommel.  Siya ang pinaka baby namin noon bukod kina Lyka, Kenneth at sa inaanak kong napakahaba na ng utang kong si Arriane Joy.. Ngayon dalaga't binata na sila.

Mabait ang tatay sa amin, pantay pantay ang tingin nya at kung anong meron, salu salo at pinaghahatian.  Isang katangian na hindi ko nakita sa aking sariling ama.  Ni di ko nakitang nagalit o nagtaas man lang ng boses.

Wala akong ibang hiniling na sana kahit kalahati ng ugali nya, makuha man lang ng ama ko, pero wala, bingi ang Diyos sa hingi ko.  Hindi nga naman pwede yun, kasi sa lahat lahat, namumukod tangi ang Tatay Romy ko.

Tulad ng dalawang baldeng nakasabit sa magkabilang dulo ng balde, sa gitna nang kahirapan, nakuha nyang balansehin ang dalawang nag uumpugang puwersa ng buhay.  Ang kahirapan at ang pagtungo sa katandaan.
Saksi ako sa pagdisiplina nya sa mga anak nya, sa pagkarinyo sa mga apo at ang pagtanggap nya na naglalakihan na ang anak nya.

Minsan, nahiling ko, sana isa rin akong Macalintal para maging anak nya.

Dumaan ang panahon at hiningi ng tadhanang kami'y magkahiwalay, at sa minsang pag uwi ko, pinilit ko talagang kunin ang anak ko para ipakilala sa kanya ang kanyang apo sa akin...kahit wala siyang manugang sa akin, wala akong pinakilala sa kanya na babae kasi, sa pagkakaunawa ko, hindi sila katulad at nararapat makilala ang mga taong malapit, mahal at mahalaga sa buhay ko.

Hanggang sa muli kaming nagkahiwalay.....

Lately, nalaman kong malubha siya sa hospital, at that time, bakasyon ako at ramadan dito, nagkataon na wala akong nasingil kasi buwan ng pangingilin dito.  First time sa buhay ko ang nangutang sa mga kasama pero bigo ako at walang mga pera din sila.

Naging kailangan nya ang isang makina para umalalay sa kanyang paggaling, ipinangako ko sa sarili ko na kahit ito man lang maitulong ko, pero di na umabot ang pagsisikap kong maipundar iyon..

Tatlong araw ka ng pumanaw bago ko nalaman kay paulene na wala ka na.

Nabigla ako, hindi ko alam if anong gagawin ko. Ayaw kong maniwala, alam ko fighter ka..lumalaban..  At sa pagtawag ko, saka ko nakumpirma ang lahat.

Kausap ko si Paulene, di ko na mapigil ang di mapaiyak, tulad din ng pagtipa ko sa keypad, paunti unti akong tumatanggap sa katotohanang,,,,wala ka na.

Noong magkausap kami ni Rommel, lalo lang akong naguilty, sa kadahilanang hindi kita natulungan sa panahong kailangan mo ako.. Ang hirap tanggapin, ang hirap isipin, sana kahit papaano, kasama ka pa din namin..

Wala na ang tatay, wala na din ang taong itinuring kong pangalawang ama..wala na din ang tunog ng tubig na isinasalin tuwing umaga na nagsisimbolo kung gaano ka kaattentive sa pangangailangan ng pamilya mo at gaano mo sila kamahal...
Ngayon, tahimik na ang tunog na iyon at ang balagwit at drum, nasa pahingahan na din tulad mo...

Salamat Tatay Romy, dahil kahit ako, nadama ko din yun....Ang PAGMAMAHAL NG SIMPLE AT WALANG BAHID DUNGIS SA PAMILYA .....Maraming maraming salamat po...

Dios Mabalos...