Saturday, October 9, 2010

Totoo ka ba?

ang naghihirap, lalong pinahihirapan.
ang magnanakaw, lalong pinayayaman.
ang maysakit, lalong pinawawala.
ang walang kakayahang humingi ng hustisya, lalong hinuhusgahan.
ang sinungaling, lalong yumayabong.
ang walang wala, lalong kinukuhanan pa.
ganito ang ginagawa mo tapos sasabihin mo pang kulang sa pananampalataya?
di kaya ikaw ang may pagkukulang?
kung mahal mo ang nilalang mo,
pantay-pantay sana.
yung nagpapakabuti, pinagkakaitan ng pagkakataon.
yung masama, lalong pinagpupugayan ang gawa.
yung walanghiya, nagagawa pang maging ehemplo,
pero yung nananalig at may takot sa'yo siya mo pang kinaliligtaan.
tapos sasabihin mo kulang sa pagdadasal.
e anong tawag mo noong wala palang muwang ako na dasal na agad namumutawi sa bibig ko.
ilang nobena pa ba at kilometrahe ang dapat kong lakarin ng paluhod.
ngayong alam mong kailangangkailangan ko, pati pinaghirapan ko, pinagkait mo pa.
bakit di mo na lang tapusin ang buhay na ito.
nilalang mo ba ako para sa kapakanan ng iba?
o para maging basahan lang ang buhay.
dugo at pawis na ipinuhunan ko para sa pamilya ko, ibinigay mo pa sa iba?
bakit? saan ako nagkulang?


ako nga kaya o mali ang napili kong Diyos....

ang alam ko sa diyos, di nya ilalagay sa hirap ang kanyang mga anak.....

Tuesday, October 5, 2010

Moldura

Ang hirap ng gumising sa umaga, lalo't nagsasasakit na naman ang mga sugpungan ng mga buto ko.  ilang taon na ba din akong ganito, ahhh, parang kaylan lang. mahina na rin ako.

KLANG! KLANG!KLANG!

yun ang isang tunog na halos sa buong katauhan ko ay sumusunod na naririnig ko pagkatapos kong marinig ang tilaok ng manok.  pagkatapos noon, ang sigawan, ang ingay, ang tawanan ng mga bata ang naririnig habang pumipila sa grounds para magpugay sa ating watawat.
kay sarap samyuin ng hanging sariwa at ang medyo off beat na kanta ng mga bata ay parang lalong nakakainspire sa akin na pumasok sa araw-araw.
ay naku, akala ko noon, ang tambak na patas ng mga lesson plan ay di na matatapos, ngayong wala na, hinahanap ko na.  pero bakit ba, kahit ba merong lesson plan pa, kaya ko pa bang magsulat.
at sa maghapong pagkakatayo ko, kahit masakit na ang mga daliri ng paa ko, tuloy pa rin na araw-araw ay pumapasok ako.
at kapag sila ay absent sa klase, nagagawa ko pa silang puntahan at kumustahin ang mga bata.  halos wala akong kapaguran hanggang sa dumating na ang oras ng aking pagreretiro.  may patak ng luha ng isarado ko ang pinto ng aking kuwartong pinagtuturuan.  matagal tagal ko ding naging battleground ang room na ito.
napakaraming estudyante na dumaan sa room na ito.  halos lahat sila ngayon ay ala-ala na lang sa akin.

Oktobre 5, 2010

opo, dito nga po ang bahay nya, bakit po?
ahh, ganun po ba, tuloy po kayo. maupo po kayo.
si Ate po ba, mula ng magretiro siya, dito na lang siya sa bahay.  di na rin siya nagkapamilya at sa pagpapalayok  na siya natuon ng pansin. ang mga bata ang kaniyang itinuring na mga anak.  nagsimula siyang naging malulungkutin mula ng tumigil siya sa pagtuturo.  para siyang naupos mula noon.  nitong huling linggo, lagi nyang sinasabi at tinatanong nya sa akin kung maganda ba ang kinalabasan ng kanyang mga palayok.  kung ang kanyang kamay ba ay magaling humulma at maging moldura.  sa mga nakaraang taon ng kanyang pagpapalayok, ngayon lang nya ako tinanong ng ganoon.
di ko maunawaan bakit nya nasabi na ganoon. pagkatapos noon, kinuha nya ang mga larawang luma.  mga kuha noong siya ay nagtuturo at nakita ko na laang na siya'y naiyak.  noong gabing iyon, di na siya bumangon sa higaan nya.  ilang beses na namin siyang pinatingnan sa doktor.  ang sagot sa amin ay, ang will na nang may katawan ang problema. at may edad na din si Mam.. nagkataon naman noon na dati palang estudyante ni ate si doktor, noong marinig ni ate ang salitang Mam, nagmulat siya ng mata at nakilala pa niya ang dating estudyante.  lumakas bigla si ate at masaya silang ngkwentuhan.  pinakuha sa akin ni ate yung isa sa palayok na hinulma niya, at ibinigay kay dok. at eto ang kanyang sabi, ginawa ko ito para sa iyo, maganda ba?  opo mam, perpekto po ang pagkakahubog. ito ang sagot ng ate, iyang palayok na iyan ay ikaw.  hindi lahat ng ginawa kong palayok ay parepareho. may tabingi, may maliit ang puwitan, may di luto. at pagkatapos noon, pagkaalis ni doktor, balik sa dati si ate. nanghina at nakahiga lagi.

dati pala kayong estudyante ni ate...teka tatawagin k...naputol ang pagsasalita ng kapatid.
aba! ate, kanina ka pang nakatayo jan?  baka matumba ka...
kaya ko, ang garalgal na sagot ni ate..ibinulong ng hangin sa akin, nasa tamang panahon na ang aking hinulma, alam kong darating sila...mga anak; samahan nyo ako sa likod bahay.
at noong naroon na kami, isa isa nyang ipinakuha ang mga palayok na ginawa nya.  kaygaganda at halos tulad noong una, perpekto ang pagkakagawa. talagang isang masterpiece, isa isa nyang ipinamahagi kalakip ang isang sulat na bubuksan lamang pagdating nila ng bahay.  matagal tagal din ang mga estudyante sa amin at magiliw na nakipagkwentuhan ang ate.  pati sa mga biruan ay nakangiti ring nakikisama si ate.
dumating ang oras ng paghihiwalay at isa isang nagpaalam,  kita ko ang ngiti ni ate na di ko nakita kailanman. noong gabing iyon, muling hiningi ni ate ang mga larawang luma ng kanyang mga estudyante...sabay sabi sa akin na "Maganda ang kinalabasan ng mga palayok, salamat sa diyos"

sa bahay ni Ces, noong gabi ding iyon.  naisip nyang buksan ang sulat nang dating maestra..
"Ang ganda at hubog ng isang bagay ay dahil sa pagbubuhos ng puso at dedikasyon sa minomolde.  sa perpektong palayok na ito ay nandito ako, at ang palayok na ito ay ikaw! nagmamahal, Mam
kriing! Kriing! kriiing!
"Hello?"
"Ces, si Arnold."
"Oh, napatawag ka, kakahiwalay lang natin."
"Ces, ano, wag kang mabibigla"
"Bakit?"
"Wala na si Mam.  isang oras pagkalis natin, humiga na siya at ipinikit na ang mga mata."
"Salamat Arnold, alam na ba ng iba?"
"Di pa, sige, I'll call the others."
"Teka Arnold, look at the date."
"o, October 5, 2010."
"Arnold, Teacher's Day ngayon."




Ang Akdang ito ay inihahandog ko sa mga Gurong naging bahagi ng buhay naming magkakapatid most Esp. sa Mommy ko, our earliest teacher, Luta Elem. School Teachers, De La Salle Lipa Teachers/Instructors, Lipa City Colleges Teachers/Instructors. Tanauan Institute Instructors, PUP Instructors.
Special thanks to Mrs. F. W. Quinto, Dean Linda Platero, Jovencio de Ocampo, Jun Magana,  Rex Raymond Torrecampo, Albert Gamatero, Arnold Capuloy at ang Madlang Pipol na nakakasalamuha natin sa araw araw.