Thursday, November 22, 2012

ETIKETA


Etiketa
Chapter 1

“Bai, anong pngalan mo bai? Tanong ng katabing bata sa kapwa bata na katabi sa barko.
“Dikong, ako si Dikong bai, ikaw? Maagap na sagot ng batang halos di makamulat dahil sa pagkapugto ng mata.
“Ako si Buboy, siya si Bulag,” sabay turo sa batang may katabaan at halos napanot ang buhok sa di maayos na pagkakagupit.
“Siya si Piyang,” ang batang halos wala ng damit sa pagkakapunit at amos na amos ang mukha. Kita na rin sa patpating katawan ang pinagdaanang sakit na tigdas.
“Saan kayong nayon?” pamuling tanong ni Dikong.
“Leyte bai, Gingsaugon” sagot ni Buboy, yumuko at impit na naghikbi.
“Bakit bai?”
“Naaalala ko pamilya ko bai, kaso nibenta nila ako bai.” Ang sagot ni Buboy.
“Ha? Magkano?” tanong ni Dikong.
“Isang libong piso bai!”
“Ilang taon ka na bai?  Ani ni Dikong.
“Sampu lang bai.”
“Matanda ako pala sa iyo, ako naman din nabili sa halagang otso siyentos at sa pangakong papadala kong sweldo buwan buwan.”
“Maganda daw ang Maynila. Yung kababayan namin ay sa Maynila nagtrabaho ang kapatid.  Lagi silang may de lata at mga biskuwit sa malalaking lata.  Minsan nga, nung naglaba si inay, nabigyan siya ng ilang biskuwit at inuuwi sa amin.  Ang sarap sarap nung kainin namin. Bibili din ako noon at padadala sa amin.”

“Kuya,gutom na ako…masakit na ang tiyan ko.” Ang singit ni Piyang sa usapan habang hawak ang tiyan.
“Ako din nga gutom na, pero wala pa si Ate Maying.”  Sagot ni Buboy sa batang babae na ngayo’y sinisipsip na ang laylayan ng bestidang di sukat at lumabas na din ang suot na shorts na nangingitim na sa katandaan.
Si Ate Maying ang itinuturing na anghel ng mga tao sa kanila.  Ang sagot sa kahirapan dahil sa bawat pagdating nya, may dala dalang de lata, at kung ano anong pagkain mula sa Maynila.  At habang nagsasalita si Ate Maying sa gitna ng mga tao na parang politikong nangangampanya, inaaakit naman ang mga magulang na pasamahin sa kanya upang mabigyan ng trabaho ang mga anak at siya na din ang nagpapadala ng kaukulang halaga ng suweldo buwan buwan. Minsan nga, mas malimit pang makinig sa kuwento ni Ate Maying ang mga tao kesa sa kura paroko ng bayan sa misa.  Si Ate Maying ay hulog ng langit, ang tagapagsalba, ang pag asa na makaahon sa kahirapan at ang susi sa magandang buhay. Bakit ba hindi ay ilan sa taga kanila ang nakapag asawa ng taga Maynila at ngayon ay may maganda na ding buhay.
Marami sa mga magulang ang pinasama ang mga anak at nabigyan nang paunang panggastos na aawasin na lamang ang sa suweldo pag nagkatrabaho na.  Sa bawat parehas ng paang sumama kay Ate Maying ay isang pangarap ng magandang buhay.  Sa bawat bakas ng paa na umakyat sa andamyo ng barko ay isang pinto sa pagtakas sa buhay ng kahirapan at sa bawat hikbi sa gabing madilim ay isang bangungot at takot sa haharaping buhay sa Maynila ng walang katiyakan. Sa bawat pintig ng puso pagbaba sa pier ay agam agam sa kinabukasang walang kulay sapagkat sila ay pawang musmos pa lamang.
Ito ang simula ng kuwento ng mga batang nabiktima ng recruiter na ganid, ang kuwento sa likod ng bawat ETIKETA.


Chapter 2  
KALAM
”Mga Nanay, wag na kayong umiyak, akong bahala sa mga anak nyo.” Ang napakalambing na boses ni Ate Maying… parang anghel at napakahinay.
“Opo, kayo napo ang bahala sa kanila, ngayon po lamang sila mawawalay ,”sabay bulsa ng ilang dadaanin na  inabot ni Ate Maying.
At nakita ko ang ngiti ni Ate Maying na pagkatamis tamis habang inakbayan ang isang ina.
“Para ko na ding mga anak sila, asahan nyo, nasa mabuti silang kalagayan .” habang umuupo sa naghihintay nakuliglig na sasakyan papunta sa bayan para sumakay sa istasyon ng bus.
“Ate, ok na, pwede na tayong umalis,” sabi ni Jojo, ang kasama ni Ate Maying.
“Tutuloy napo kami, paalam napo,” ang mahinahong tinig ni Ate Maying na nakakaaliw sa tenga.  Sapat na upang mawala ang takot ng mga bata at malagay sila sa kapanatagan.